Muling iginigiit ni Negros Oriental 3rd District Representative Arnolfo Teves Jr. ang banta sa kaniyang buhay at sa kaniyang pamilya kaya’t hindi pa rin ito uuwi ng bansa sa kabila ng apela mismo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at ni House Speaker Martin Romualdez.
Sa tugon ni Teves sa communication ng House Ethics Committee, binigyang diin nito na mismong ang Korte Suprema ay kinikilala na ang ‘self-preservation’ ay ang ‘first law of nature’.
Dahil dito ay magle-leave of absence aniya siya hanggang sa matiyak na wala na ang banta sa kaniyang buhay.
Pero nilinaw ni Secretary General Reginald Velasco, ang Leave of Absence ay para lamang sa mga liliban at mananatili dito sa Pilipinas.
Habang kung lalabas ng bansa, Travel Authority naman ang kailangan.
Nitong Martes ay muling nagpulong ang Ethics Committee para i-acquire ang jurisdiction sa kaso ng patuloy na pagliban at pagsuway ni Teves sa panawagan na magbalik bansa na.
Inaasahan naman na magpupulong muli ang komite sa susunod na linggo para pag-usapan kung magpapataw ba ng panibagong sanction sa kongresista dahil sa kaniyang patuloy na unauthorized absence. | ulat ni Kathleen Jean Forbes