Tiniyak ni Department of National Defense (DND) Officer in Charge Sr. Undersecretary Carlito Galvez Jr. ang patuloy na suporta ng kagawaran sa National Defense College of the Philippines (NDCP).
Ito ay sa ginawang “field visit” ng NDCP Master in National Security Administration (MNSA) Regular Class 58 (RC58) sa Office of Civil Defense New Administrative building, sa Camp Aguinaldo kahapon.
Dito ay binigyan ng briefing ang mga MNSA student tungkol sa DND at mga attached Bureau, gayundin sa iba’t ibang International Defense and Security Engagements ng kagawaran na sinundan ng isang open forum.
Sinabi ni Galvez, na ang “field Visit” ay magandang pagkakataon para makilala ng mga estudyante ang mga opisyal ng kagawaran at attached Bureau, na gumagawa ng mga polisiya at stratehiya na may kinalaman sa pambansang seguridad.
Ang RC58 na pinamumunuan ni Class President Atty. Teodoro Jose S. Mata ng Palawan Council for Sustainable Development ay kinabibilangan ng 26 na opisyal mula sa Philippine Army (PA), siyam sa Philippine Air Force (PAF), walo sa Philippine Navy (PN), tatlo sa technical and administrative services, walo sa foreign military students mula sa Bangladesh, Brunei, India, Indonesia, Malaysia, Pakistan, at Nigeria; 10 mula sa iba’t ibang ahensya ng gubyerno; at isa mula sa pribadong sektor. | ulat ni Leo Sarne
Photos: Department of National Defense