Kailangan mapalakas muli ang COVID-19 vaccination drive ng pamahalaan, lalo na sa mga kabataan.
Pahayag ito ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa gitna ng naitatalang pagtaas ng COVID-19 cases sa bansa.
Sa isang ambush interview, sinabi ng Pangulo na ngayong mainit ang panahon, nakakadagdag ito sa paghina ng katawan ng publiko, dahilan kung bakit mas nagiging vulnerable sa sakit, partikular sa COVID-19 ang mga ito.
Kung siya aniya ang tatanungin, umaasa siyang, hindi na kailangan pang ibalik ang mandatory face mask mandate, upang mapigilan ang pagtaas ng COVID-19 cases sa bansa.
Kailangan muna kasi aniyang magmula sa IATF ang rekomendasyon, at dapat ay mayroon rin itong guidance mula sa Department of Health (DOH).
“So we’ll look at it. Tingnan natin kung may guidance ang IATF, may guidance ang DOH. I think — I hope we don’t have to but we might. But I hope not.” —Pangulong Marcos.
“We’ll have to conduct again a vaccination push para mabawasan na ‘yan, para mabawasan ‘yan especially with people being a little bit, shall we say, nahihirapan na nga eh dahil sa init, that brings down — humihina ang katawan and that will make them more vulnerable to COVID again,” pahayag ng Pangulong Marcos Jr. | ulat ni Racquel Bayan