Malaki ang naging kontribusyon ng anti-terrorism campaign na “Peace 911” upang makamit ng Davao City ang kalayaan mula sa insurgency na dulot ng New People’s Army.
Ito ang inihayag ni Vice President Sara Duterte sa kanyang pagdalo sa unang taong anibersaryo ng pagiging insurgency-free ng Davao ngayong araw.
Ayon kay VP Sara, tuluyang nawakasan ang impluwensiya ng NPA sa tulong ng mga programa at proyekto sa ilalim ng Peace 911 na nagbigay ng oportunidad na maging produktibo.
Napagkalooban aniya ang mga residente ng Paquibato District ng kabuhayan, nakadiskubre ng bagong kasanayan lalo na ang kababaihan at naibalik ang kumpiyansa bilang indibidwal at komunidad.
Inalala ng pangalawang pangulo na noong bise-alkalde pa lamang siya taong 2007 hanggang 2010 ay mahirap pasukin ang Paquibato dahil bukod sa kailangang magpaalam ay dapat magbigay ng “offering”.
Iginiit pa ni VP Sara na natugunan ng Peace 911 ang isyu ng kahirapan sa distrito na siyang ginagamit ng NPA para lasunin umano ang isipan ng mga residente at maisakatuparan ang karahasan.
Sa kabila ng tagumpay, nagpaalala si VP Sara na hindi rito natatapos ang pagmamatyag dahil mas mahirap ang pagpapanatili ng kapayapaan kaysa matamasa ito. | ulat ni Hajji Kaamiño