Pinapurihan ni Senador Francis Tolentino ang plano ng Commission on Elections (Comelec) na magsagawa ng pilot testing ng internet voting para sa Overseas Filipino Workers (OFWs) sa 2025 midterm elections.
Sinabi ni Tolentino na ang pagpapahintulot sa mga pinoy sa ibang bansa na bumoto sa pinakamadaling paraan ay makakaengganyo sa kanilang gawin ang kanilang ‘constitutional right to suffrage’ o karapatang bumoto ng mga magiging lider ng Pilipinas.
Sa pamamagitan aniya ng internet voting ay hindi na kinakailangang bumiyahe ng ilang oras ang mga OFW para lang marating ang mga itinakdang polling precincts.
Para sa senador, mas magiging demokratiko ang proseso kung maraming kababayan na nasa ibayong dagat ang lalahok sa botohan.
Base sa datos, sa nakalipas na 2022 presidential elections ay nasa 626,000 lang sa 1.6 million registered overseas voters ang bumoto, katumbas ito ng 39 percent lang na voter’s turnout. | ulat ni Nimfa Asuncion