Inabisuhan ng PNP Anti-Cybercime Group (ACG) ang publiko na mag-ingat sa E-Wallet scam.
Ayon kay ACG Director Police Brig. General Sydney Sultan Hernia, inaasahan nilang tataas pa ang bilang ng e-wallet scams habang papalapit ang deadline ng SIM card registration.
Paliwanag ni Hernia, sinasamantala ng mga scammer ang kalituhan ng publiko sa SIM card registration at nililinlang ang mga ito para makuha ang kanilang personal na impormasyon at detalye ng kanilang E-Wallet o Bank account.
Nagpapanggap aniya ang mga scammer na kinatawan ng mga lehitimong e-wallet companies o financial institution na nag aalok ng reward o discount para makapangbiktima.
Kapag nakuha na ng mga scammer ang impormasyon ng biktima, gagamitin nila ito para malipat ang pera ng biktima sa ibang account.
Payo ni Hernia sa publiko, huwag basta maniwala sa mga deal na inaalok at gawin lang ang mga E-Wallet transactions sa mga mapagkakatiwalaang negosyo o indibidwal. | ulat ni Leo Sarne