Muling tiniyak ni PNP Chief Police Gen. Benjamin Acorda Jr. ang kanyang commitment sa transparency at kooperasyon ng PNP sa media.
Ito’y sa isinagawang “meet and greet” ng PNP Chief sa mga miyembro ng PNP Press Corps (PPC) kahapon sa Camp Crame.
Ang pagtitipon ay dinaluhan ng mga miyembro ng PNP Command Group, mga Director ng Directorial Staff, at PNP Press Corps Officers and Board of Directors, sa pangunguna ni PPC President Mar Gabriel ng Net 25.
Sa kanyang mensahe, binigyang diin ni Gen. Acorda ang mahalagang papel ng media bilang katuwang ng mga pulis, na nagsisilbing “check and balance”, tagapagbantay ng katotohanan at hustisya, at tulay sa mga mamayan.
Sinabi ni Acorda na mahalaga ang magandang samahan at maayos na pagtutulungan ng mga pulis at media para sa kanilang kapwa layunin na pagsilbihan ang mga mamayan.
Hiniling naman PNP Chief ang tulong ng mga mamahayag para maiparating sa mga mamayan ang mga mabubuting nagagawa ng mga pulis, at maipaliwanag sa publiko ang mga adbokasiya at programa ng PNP na may kinalaman sa kapayapaan at kaayusan. | ulat ni Leo Sarne
?:PNP-PIO