Kinumpirma ng Department of Migrant Workers (DMW) na hawak na ng Ministry of Finance ng Saudi Arabia ang pondo para sa pagbabayad ng unpaid claims ng mga manggagawang Pilipino.
Sa isang virtual conference ngayong hapon, sinabi ni Migrant Workers Secretary Susan Ople, na nakalagak na sa Ministry ang buong halaga na sasaklaw sa lahat ng apektadong OFWs na nawalan ng trabaho.
Inatasan din ni Ople si Undersecretary Bernard Olalia, na magsilbing focal person at kinatawan ng DMW at Philippine government upang direktang makipag-ugnayan sa counterpart official.
Mayroon aniyang komite sa Saudi Arabia na nagpupulong kada lingo, at direktang nag-uulat sa opisina ni Saudi Crown Prince Mohammed bin Salman Al Saud.
Hindi na inalam ni Ople kung magkano ang halaga at ang iba pang detalye, ngunit ang garantiya ay may full authorization sa pondo ang central government ng KSA.
Mababatid na walong taon nang naghihintay ang OFWs na mabayaran ang kanilang claims matapos maapektuhan ng pagkakabangkarote ng Saudi companies. | ulat ni Hajji Kaamiño