Nakiisa ang Pransya sa mga bansang nagpahayag ng pagkabahala sa sitwasyon sa West Philippine Sea (WPS).
Ito’y kasunod ng pinakahuling insidente kung saan muntik magkabanggaan ang barko ng Philippine Coast Guard at Chinese Coast Guard nang lumapit ang Chinese Coast Guard vessel No. 5201 ng mga 50 metro sa BRP Malapascua noong April 23.
Sa isang statement, sinabi ng French Embassy sa Manila na pinag-uukulan nila ng atensyon ang mga kaganapan sa naturang karagatan.
Ipinaala ng Embahada ang commitment ng Pransya sa United Nations Convention on the Law of the Sea, at ang kanilang pagbibigay ng prayoridad sa pag-aksyon at paggalang sa International Law at Freedom of Navigation.
Nanindigan ang Embahada na tinututulan ng kanilang bansa ang anumang aksyon na nagdudulot ng tensyon at panganib sa stabilidad ng rehiyon at “international order” base sa “rule of law”.
Una na ring inakusahan ng Estados Unidos ang China ng “harassment at intimidation” dahil sa insidente; habang nagpahayag naman ng pagkabahala ang Canada at United Kingdom sa mga patuloy na ulat ng mapanganib na aksyon laban sa mga barko ng Pilipinas sa West Philippine Sea. | ulat ni Leo Sarne