Mas pabibilisin pa ng Philippine Statistics Authority (PSA) at Philippine Postal Corporation (PHLPost) ang paghahatid ng PhilIDs sa mga indibidwal na nakarehistro na sa Philippine Identification System (PhilSys).
Nagkasundo si PSA Undersecretary Claire Dennis Mapa, National Statistician at Civil Registrar General; at ang bagong Post Master General at CEO Luis Carlos, na patindihin pa ang kanilang koordinasyon sa paghahatid ng Phil IDs sa buong bansa.
Kanila na ring tinutugunan ang mga hamon sa paghahatid tulad ng unclaimed return-to-sender (RTS) PhilIDs kabilang ang mga PhilID holder na lumipat ng ibang address o lugar.
Mula sa 37,021,698 PhilIDs na inilabas ng Bangko Sentral ng Pilipinas para sa delivery; 30,160,674 dito ang naihatid na ng PHLPost sa buong bansa.
Samantala, patuloy namang nag-iisyu ng ePhilIDs ang PSA Field Offices sa mga nakarehistrong indibidwal sa pamamagitan ng plaza-type at house-to-house distribution.
Hanggang Mayo 5, aabot na sa 32,142,314 ePhilIDs ang na-claim at na-download na ng mga rehistradong indibidwal. | ulat ni Rey Ferrer