Nilinaw ni Infectious Diseases Expert Dr. Edcel Salvana na nananatili pa rin ang banta ng COVID-19 at hindi pa rin dapat na magpakampante ang publiko.
Pahayag ito ng eksperto kasunod ng deklarasyon ng World Health Organization (WHO) na hindi na itinuturing na global health emergency ang COVID-19.
Sa briefing ng Laging Handa, ipinaliwanag ng eksperto na ang inalis lamang ng WHO ay ang emergency state ng virus.
Ibig sabihin, maaari pa ring tumaas ang kaso ng COVID-19 sa bansa lalo na kung magpapabaya ang publiko.
Bingyang diin ni Dr. Salvana, na ang deklarasyong ito ng WHO ay nangangahulugan lang na alam na ng buong mundo ang gagawin sa pandemiya, at paano mabuhay kahit pa nananatili ang banta ng virus sa paligid.
“Unang-una dapat intindihin natin, iyong COVID nandiyan pa, hindi pa naman siya nawawala. At puwede pa ring tumaas iyong mga kaso from time to time… So, iyong mga sinasabi ng WHO, hindi naman sinasabi tapos na itong pandemya, hindi nila sinasabing tapos na ang COVID, nandiyan pa iyan. Pero natuto na tayong mabuhay ng malaya, iyong hindi tayo nagtatago sa ating mga bahay.” — Dr. Salvana | ulat ni Racquel Bayan