Pinag-aaralan na ni Senador Robin Padilla ang pagpapanukala na amyendahan ang termino ng mga magiging pangulo ng Pilipinas, para mapahintulutan silang tumakbong muli.
Ito ay kasabay ng plano ng senador, na magsulong ng amyenda sa political provision ng Konstitusyon kasunod na rin ng pagkabigong umusad ng una niyang isinulong na economic charter change (cha-cha).
Giit ng Senate Committee on Constitutional Amendments chairperson, kung may naiisip man ang mga kasamahan niyang mambabatas na alternatibo sa economic cha-cha…pagdating sa political provisions ng Saligang Batas ay kailangan aniyang ipaliwanag pa sa kanya kung bakit hindi ito kailangan.
Nais ring baguhin ng senador, na limitahan lang sa apat na taon ang isang termino ng pangulo ng bansa kung saan pagkatapos nito ay pwede silang tumakbong muli.
Paliwanag ng mambabatas, masyadong maiksi ang anim na taon para sa isang magaling na presidente pero masyado naman itong mahaba para sa isang hindi epektibong punong ehekutibo. | ulat ni Nimfa Asuncion