Hindi pa rin pinahintulutan ng House Committee on Ethics and Privileges si Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves Jr. na makadalo sa pagdinig ng komite via video conferencing.
Ayon sa mambabatas, batay sa palitan nila ng mensahe ni COOP NATCO party-list Rep. Felimon Espares Jr, sinabi ng chair ng komite na idudulog pa niya ang apela ni Teves sa mga miyembro ng Ethics Committee.
Magkagayonman ay maaari ani Espares na magpadala ng written explanation si Teves, bagay na tinanggihan ng mambabatas.
Aniya, walang magiging active discussion kung sulat lang ang kaniyang ipapadala.
Hanggang kaninang bago mag-alas diyes ng umaga kung kailan naka-schedule ang pulong ng naturang komite ay wala aniyang natanggap na zoom link ang kongresista.
Pumunta rin ang legal counsel ni Teves na si Atty. Ferdinand Topacio sa Kamara para igiit ang karapatan ng kaniyang kliyente na mapakinggan.
Nanindigan naman si Teves na hindi siya uuwi ng bansa hanggang sa hindi tiyak ang kaniyang kaligtasan at walang semblance ng fairness o pagiging patas sa pagtrato sa kaniyang kaso. | ulat ni Kathleen Jean Forbes