Magpapanukala si Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa ng amyenda sa Maharlika Investment Fund bill, partikular sa magiging kontribusyon ng SSS at GSIS dito.
Ayon kay Dela Rosa, nais niya kasing ipatanggal ang probisyon tungkol sa maaaring boluntaryong maglagay ng pondo sa MIF ang SSS at GSIS.
Ipinaliwanag ng senador, na ang paglalagay pa naman ng pondo mula sa pensyon fund ng GSIS at SSS ang dahilan kaya may agam-agam siya noon sa MIF.
Ipinunto ni Dela Rosa, na itinatalaga ng pangulo ng bansa ang namumuo sa SSS at GSIS, kaya kahit boluntaryo lang ang nakalagay sa panukala ay wala pa ring magagawa ang mga ito kung ipag-utos ng pangulo na maglagay sila ng pondo sa MIF.
Naniniwala naman si Dela Rosa, na tatanggapin ng sponsor ng MIF bill na si Senador Mark Villar, ang kanyang magiging amyenda dahil marami rin aniyang mga senador ang nais itong matanggal. | ulat ni Nimfa Asuncion