Tiniyak ni Senador Sherwin Gatchalian na gagawa siya ng mga hakbang para maibalik ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa mga consumer ang mga siningil nito para sa mga hindi pa tapos na proyekto.
Kabilang sa mga balak gawin ni Gatchalian ay ang pilitin ang Energy Regulatory Commission (ERC) na imbestigahan sa lalong madaling panahon ang nasabing usapin.
Kakalampagin rin aniya ng Senate Committee on Energy Vice Chairperson ang ERC, na bawiin ang lahat ng mabibigat na regulasyon na nakapipinsala sa mga consumer.
Balak rin ng senador na maghain ng petition sa ERC para sa refund ng mga consumer.
Lahat aniya ito ay gagawin ni Gatchalian bilang isa ring consumer, at bilang kinatawan ng taumbayan at ng Senado.
Una nang pinanawagan ng senador na i-refund ng NGCP ang mga kinolekta nito sa mga consumer para sa mga unfinished projects nila.
Giniit ng senador, hindi dapat ang taumbayan ang nagsasakripisyo sa pagpapabayang ginagawa ng NGCP kaya hindi pa nila natatapos ang 72 proyekto, kabilang na dito ang anim na may national significance o mahalaga para sa buong bansa. | ulat ni Nimfa Asuncion