Kumpiyansa si Senate Committee on Banks Chairperson Senador Mark Villar na sapat at maganda ang mga safeguard na nakapaloob sa panukalang Maharlika Investment Fund (MIF) na inaprubahan ng Senado.
Ayon kay Villar, naging mahaba ang talakayan ng Mataas na Kapulungan para sa naturang panukala kagabi hanggang kaninang madaling araw, para matiyak na magiging bantay sarado ang Maharlika Investment Fund.
Tiniyak aniya ng Senado na ang best of the best ang maipapasa nila.
Ipinunto ng sponsor ng Senate Bill 2020, na kabilang sa mga safeguard ang pagkakaroon ng Maharlika Investment Corporation (MIC) ng advisory board; oversight ng Kongreso; at internal at external audit para matiyak ang integridad at competence ng board members ng MIC.
Muling binigyang diin ng mambabatas, na kabilang sa mga magiging benepisyo ng MIF ay makakahikayat ito ng investment o kapital para sa mga proyekto ng bansa.
Aniya, ang MIF ang magiging vehicle para sa mga local o foreign investor na nais mamuhunan sa mga proyekto sa Pilipinas.
Dagdag rin aniyang benepisyo ang return on investment o kikitain ng gobyerno mula sa MIF, na makakatulong aniya lalo na ngayong tumaas ang utang ng bansa dahil sa pandemya. | ulat ni Nimfa Asuncion