Nanawagan si Senate Committee on Tourism Chairperson Senador Nancy Binay sa pamahalaan na pag-aralan ang posibleng partnership sa pribadong dayuhang kumpanya at ng gobyerno para sa pagpapaganda ng mga serbisyo at pasilidad ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Pinunto ni Binay ang estado ng Mactan-Cebu International Airport na naisaayos at mas napaganda matapos makipag-partner ang gobyerno sa isang Indian company.
Isa aniya ang Cebu Airport sa maaaring gawing modelo para sa pagkonsiderang mai-upgrade ng pamahalaan ang operasyon ng NAIA.
Iginiit ng senador na hindi sapat ang pondo ng gobyerno kaya naman ang Public-Private Partnership (PPP) lang ang paraan para maiangat ang kalidad ng serbisyo ng pangunahing paliparan ng Pilipinas.
Aniya, nasa pribadong sektor kasi ang technical at financial capability para dito.
Isa rin sa mga natukoy ni Binay na problema ang kawalan ng konsepto ng continuity sa mga proyekto at programa sa NAIA kung saan kapag nagpalit ng pamumuno ay hindi napagpapatuloy ang mga nasimulang programa. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion