Nais ni Senador Robin Padilla na magkaroon ng senate inquiry patungkol sa nangyaring sunog sa Manila Central Post Office para makahanap ng mga paraan para mapangalagaan ang cultural properties ng bansa.
Sa paghahain ng Senate Resolution 628, giniit ni Padilla na ang insidente ay nagpapakita ng vulnerability ng national cultural heritage sa sunog at iba pang mga sakuna.
Kinakailangan aniyang kaagad na repasuhin ang pagiging epektibo ng mga kasalukuyang patakaran sa pangangalaga ng mga ito.
Ipinunto ng senador na ang Manila Central Post Office ay isang “iconic neo-classical building” na dinisenyo noong 1926 ng mga Amerikanong arkitektong sina Ralph Doane at Tomas Mapua, at Pilipinong arkitekto na si Juan Marcos de Guzman Arellano.
Aniya, sa halos 100 taon, ang Post Office building ay kilala bilang “grandest building” at isa sa mga “dominating landmarks” sa Metro Manila.
Dagdag pa ng mambabatas, ang Manila Central Post Office ay konkretong representasyon ng kultura at kasaysayan ng Pilipinas kaya ang pinsalang nakuha nito ay isang malaking dagok sa cultural heritage ng Pilipinas. | ulat ni Nimfa Asuncion