Nagpasalamat si Senate President Juan Miguel Zubiri sa pagtanggap ng Kamara sa kanilang bersyon ng Maharlika Investment Fund (MIF) bill.
Ipinahayag ni Zubiri, na masaya at proud siya sa nabuong bersyon ng Senado ng MIF bill dahil inilagay nila ang lahat ng safeguard na maaari nilang ilagay para maprotektahan ang pondo.
Nagpasalamat rin si SP Zubiri sa economic team para sa pagtanggap ng amendment sa naturang panukala.
Kaugnay nito, nanawagan si Zubiri sa taumbayan na huwag mag-alala tungkol sa panukalang batas na ito dahil nilagay nila ang lahat ng safeguard.
Kabilang sa mga safeguard na ipinunto ng senate leader, ang hindi na papayagang ilagak sa MIF ang anumang pondo, mandatory man o voluntary mula sa GSIS, SSS, PhilHealth, PVAO at OWWA.
Magkakaroon rin aniya ng mahigpit na vetting process para sa mga magiging board of director ng Maharlika Investment Corporation (MIC)
Magiging parang Judicial and Bar Council aniya ang proseso nito, kung saan magkakaroon ng proseso at saka magpapasa ng tatlo hanggang limang pangalan sa pangulo na siyang pagpipilian nito.
May penal provision rin aniya para sa mga mag-aabuso sa pondo ng MIF. Sinumang mang aabuso sa pondong ito ay maaaring mapatawan ng kasong plunder na may pagkakakulong ng 20 years o habambuhay na pagkakakulong. | ulat ni Nimfa Asuncion