Labis ang pasasalamat ng Sugar industry stakeholders sa pakikinig at panahon na iniukol ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanilang hanay sa harap na rin ng kasalukuyang estado ng asukal sa bansa.
Ayon kay Negros Occidental Mayor Jose Nadie Arceo, isa sa mga stakeholders na dumalo sa stakeholders’ meeting sa Malacañang, si Pangulong Marcos ang natatandaan nilang kauna-unahang Chief Executive na humarap at nakinig sa kanilang sentimyento.
Sa pamamagitan aniya ng ginawang pakikiharap ng Punong Ehekutibo ay nagawa nilang mailahad ang kanilang concern partikular sa kung paano pa mapapalakas ang sugar industry ng bansa.
Isa aniya sa mahalagang napag-usapan ay kung paano mapapaunlad ang produksiyon ng tubo o “cane” na ang magandang bunga ay tatagos sa mga maliliit na magsasaka.
Sinabi ni Arceo na kasama sa kanilang prayoridad ay ang matulungan ang mga maliliit na magsasaka lalo’t 85 to 90 percent aniya ng nasa sugar industry ay binubuo ng small farmers. | ulat ni Alvin Baltazar