Posibleng maiisyu na rin ang Sugar Order para sa pag-aangkat ng 150,000 metric tons (MT) ng imported na asukal bago matapos ang buwan ng Mayo.
Ito ang inihayag ni Department of Agriculture (DA) Senior Undersecretary Domingo Panganiban kasunod na rin ng naging pag-apruba ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa sugar importation upang madagdagan ang suplay nito sa bansa at mapababa ang bentahan sa merkado.
Ayon kay Usec. Domingo, pinal na ang volume na 150,000 metric tons batay na rin sa naging pagpupulong nila kasama ang mga stakeholder sa Malacañang.
Dahil bukas naman sa lahat ng importers, inaasahan din ng DA na nasa 30-40 ang mag-a-apply na trader para sa sugar importation.
Kasunod nito, sinabi rin ni Usec. Domingo na maaaring dumating sa bansa ang karagdagang suplay ng asukal sa buwan ng Setyembre.
Una nang sinabi ng SRA na pupunuan ng importasyon ang posibleng maging kakulangan sa buffer stock ng asukal sa bansa. | ulat ni Merry Ann Bastasa