Hinahamon ni PNP Public Information Office Chief Police Brig. General Red Maranan ang isa sa mga suspek sa pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo na patunayan ang kanyang alegasyon na tinorture siya ng mga pulis.
Ito ay makaraang sabihin ni Jhudiel Rivero alyas Osmundo Rivero, 1 sa 10 mga dating sundalo na dawit sa pagpatay kay Degamo, na tinorture umano sya ng mga pulis para aminin ang kanyang partisipasyon sa krimen at ituro si Congressman Arnulfo Teves bilang mastermind.
Giit ni Maranan, kailangan magpresinta si Rivero ng ebidensya at hindi puro akusasyon lang.
Kasabay nito, muling iginiit ng opisyal na ginagalang nila ang karapatang pantao sa lahat ng kanilang police operations.
Ayon kay Maranan, may umiiral na anti-torture law, o Republic Act 9745, na nagpapataw ng 40 taong pagkabilanggo sa mga napatunayang lumabag, at walang matinong pulis na lalabag dito. | ulat ni Leo Sarne