Tinanggap ni Presidential Communications Office (PCO) Secretary Cheloy Garafil ang pagbibitiw na isinumite ni Philippine Information Agency (PIA) Director General Ramon Cualoping.
Napag-alaman na April 4, 2023 naghain ng kanyang resignation si Cualoping at tinanggap aniya ito ni Secretary Garafil base na din sa ipinost mismo ng nagbitiw na Director General ng PIA.
Nakasaad din sa Facebook post ni Cualoping na kanyang ginawa ang pagre-resign para magkaroon ng kalayaan si Secretary Garafil na makapamili ng sa tingin nito’y dapat na mamuno sa PIA.
Tiniyak naman ni Cualoping ang isang smooth transition sa kanyang magiging successor at ito’y sa sandaling mag-anunsiyo na ang Office of the President ng susunod na mamumuno sa PIA.
Si Cualoping ay nagsilbing Assistant Secretary sa Presidential Communications Office mula 2016 hanggang 2020 at nagsilbi namang Undersecretary and Director General ng PIA Mula 2020. | ulat ni Alvin Baltazar