Kinilala ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte ang naging sakripisyo ng mga doktor para patatagin ang public health sa bansa sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic.
Ginawa ng pangalawang pangulo at kalihim ng edukasyon ang pahayag sa kaniyang talumpati sa ika-49 na Midyear Convention ng Philippine College of Surgeons sa Davao City, ngayong araw.
Dito, binigyang diin din ni VP Sara ang kagyat na pangangailangan upang mapatatag ang public health system ng bansa.
Nagsilbi aniyang eye opener ang COVID-19 pandemic sa buong mundo kung saan dapat pakatutukan ang kalusugan ng publiko lalo na ng mga mahihirap na walang access sa mga serbisyong medical.
Ito ang dahilan ani VP Sara kaya’t nagtatag siya ng mga satellite office sa iba’t ibang panig ng bansa, upang mailapit ang iba’t ibang serbisyo kabilang na ang medical assistance sa mga kapus-palad na kababayan.
Sa aspeto naman ng edukasyon, inihalintulad ni VP Sara sa surgical procedure ang inilunsad nilang MATATAG agenda upang iligtas ang mga kabataan mula sa aniya ay tumor ng karunungan, na pinalala dahil sa pagsasara ng mga paaralan sa panahon ng lockdown. | ulat ni Jaymark Dagala