Nakumpiska sa pinagsanib na operasyon ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at Food and Drug Administration (FDA) ang 1.6 milyong pisong halaga ng unregistered imported food products sa Brgy. Sabutan, Silang, Cavite kagabi.
Ayon kay PNP CIDG Director Police Maj. General Romeo Caramat, dalawa ang naaresto sa operasyon, kabilang ang isang Koreanong negosyante.
Kinilala ang mga ito na sina Yong Cheol Baek, ang may ari ng sinalakay na bodega; at si Jennelyn Cañete Arnado, ang operations Manager.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang 545 na kahon ng luncheon meat; 165 kahon ng Jardin Triple Brew na kape; 50 kahon ng Jardin Blue lemonade at 77 kahon ng Delicious BorYung Laver seaweed.
Paliwanag ni Caramat, nakapaloob sa Public Health Warning Advisory No. 2023-0018 ng FDA na bawal ibenta ang naturang mga produkto.
Ang mga naaresto ay kakasuhan ng paglabag sa RA 9711 o FDA Act of 2009. | ulat ni Leo Sarne
📷: CIDG