Tatlong priority irrigation projects ng National Irrigation Administration (NIA) ang ilalarga na sa Public-Private Partnership (PPP).
Inaprubahan ito ng National Irrigation Administration (NIA) Board of Directors sa isinagawang 992nd NIA Regular Board Meeting noong June 29, 2023.
Ayon sa NIA, kabilang sa mga proyektong ito ang: Ilocos Norte-Ilocos Sur-Abra Irrigation Project II (INISAIP II), Tumauini River Multipurpose Project (TRMP), at Upper Banaoang Irrigation Project.
Popondohan ng ₱22.7 bilyon ang INISAIP II na layong maghatid ng irigasyon sa tinatayang 11,100 ektarya ng lupain sa ilang bahagi ng Ilocos Norte sa tulong ng Palsiguan River.
Tinatarget naman ng ₱8.6 bilyon TRMP na palawakin ang sakop ng Tumauini Irrigation System (TIS) sa Tumauini, Cabagan, at Ilagan, Isabela.
Habang ang ₱6.6 bilyon Upper Banaoang Irrigation Project ay para sa pagtatayo ng impounding dam sa Malapaao River na inaasahang makakabenepisyo sa 5,000 ektarya ng agricultural land.
Ayon sa NIA, umaasa itong sa tulong ng pribadong sektor ay mapapabilis ang irrigation development sa bansa. | ulat ni Merry Ann Bastasa