Lalong dumarami ang mga mambabatas sa Kamara na nananawagan para sa pagpapalit ng school calendar.
Sa paghahain ng House Bill 8508, ipinunto ni Ilocos Sur 1st District Representative Ronald Singson na ang lumang school calendar pa rin ang pinaka-akma para sa ating bansa.
Sa kasalukuyang school calendar aniya kasi, natatapat na mayroon pa ring klase kahit buwan ng Abril at Mayo na lubhang napakainit at hindi na conducive para sa pag-aaral ng mga estudyante.
“The extreme heat experienced by teachers and students during the dry season, which is deemed not conducive to learning, and the students being unable to enjoy the school break because of the rainy season are the main reasons why we should change the opening of schools,” ani Singson.
Sa kaniyang panukala, ibabalik sa unang Lunes ng buwan ng Hunyo ang pagsisimula ng academic calendar sa lahat ng basic education institution sa bansa.
Aamyendahan nito ang Republic Act 7797 o An Act to Lengthen the School Calendar from Two Hundred (200) Days to Not More Than Two Hundred Twenty (220) Class Days.
“More than overhauling, revising, and redesigning the existing curriculum, other issues on education, such as setting a school calendar that is most beneficial to learners, should also be considered,” saad sa explanatory note ng panukala.
Punto pa ni Singson, na ang pagbabago sa academic calendar ay bunsod ng 2-year lockdown dahil sa COVID-19 pandemic.
Ngunit ngayong wala na aniya ang restrictions at balik face-to-face classes na ay maaaring ikonsidera na ng Department of Education ang pagpapalit muli ng school calendar.
Lumakas ang pagtutulak na bumalik sa dating school calendar matapos na ilang estudyante ang dinala sa ospital dahil sa dehydration, kasunod ng naitalang 39 hanggang 43 degrees celsius na heat index. | ulat ni Kathleen Forbes