Nilikas ang daan-daang mga residente sa bayan ng Tambulig sa probinsya ng Zamboanga del Sur matapos makaranas ng matinding pagbaha dulot ng tuloy-tuloy na pag-ulan bunsod ng Intertropical Convergence Zone (ITCZ) sa naturang lugar kamakailan.
Ayon kay Provincial Disaster Risk Reduction Management (PRDRRM) Officer Ronie Villanueva, nasa 12 barangay sa naturang bayan ang nakaranas ng matinding pagbaha.
Kabilang aniya ang Barangay San Vicente, Sagrada Familia, Balugo, Kapalaran, Alang-Alang, Upper Tiparak, Lower Tiparak, Tungawan, Lower Usugan, San Jose, Sumalig, at Angeles.
Dagdag pa nito, nasira ang mga earth dike sa Salug Daku River, Brgy. Balugo, at Lower Tiparak nang dahil sa pagbaha.
Kaagad namang rumesponde ang PDRRMO sa mga residenteng na-trap nang dahil sa baha sa Brgy. San Jose.
Samantala, nakaranas naman ng matinding pagbaha kanina lamang ang naturang bayan dulot pa rin ng nararanasang ITCZ na nakakaapekto sa bahaging Mindanao.| ulat ni Justin Bulanon| RP1 Zamboanga