Tiniyak ni House Speaker Martin Romualdez na nakalatag na ang iba’t ibang reporma upang lalo pang lumago at dumami ang negosyo sa bansa.
Ito ng inihayag ng House leader sa kaniyang pagdalo sa 44th National Conference ng Employers Confederation of the Philippines.
Kabilang sa mga reporma na ito ang Digital Philippines program o pagsusulong ng digital infrastructure, pagresolba sa red tape, at pagtutok din sa iba pang sektor na nagbibigay ng trabaho gaya ng agriculture, manufacturing at services.
Diin ni Romualdez, kinikilala ng Marcos Jr. administration ang kahalagahan ng mga employer sa pag-unlad ng bansa.
“Our President, Bongbong Marcos, and we in the 19th Congress recognize and appreciate your significant role, not only as economic drivers but as stalwart partners in navigating these tumultuous times. We’ve seen firsthand your determination to keep the Philippine economy resilient amidst the global crisis,” ani Speaker Romualdez.
Kasabay nito ay pinasalamatan din ni Romualdez ang business leaders sa kanilang pagharap sa hamong dala ng COVID-19 pandemic, sa pamamagitan ng pagpapanatiling bukas ng kanilang mga negosyo upang may mapasukan ang mga empleyadong Pilipino.
Hinimok naman ng Leyte 1st district representative ang mga dumalong foreign dignitaries, na ngayon ang pinakamagandang panahon para magnegosyo sa Pilipinas dahil malakas ang ekonomiya at popular ang Pangulo. | ulat ni Kathleen Forbes