Nasa 19 na volcanic earthquakes ang naitala ng Philippine Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa bulkang Taal, kahapon.
Sa briefing ng Laging Handa, sinabi ni Phivolcs Dr. Teresito Bacolcol, na mas mataas ang bilang na ito kumpara sa 11 volcanic earthquakes na naitala sa pagitan ng June 19 at June 20.
Gayunpaman, nilinaw ng opisyal na mahina lamang ang mga lindol na ito.
“Pero kapag susumahin natin itong 19 volcanic earthquakes na ito, iyong total seismic energy release niya, hindi naman tumataas doon sa background level. Masyadong mahihina po itong mga lindol na ito.” —Dr. Bacolcol.
Samantala, kaugnay naman sa bulkang Kanlaon, ayon sa opisyal, hanggang kaninang alas-5 ng madaling araw, dalawang volcanic earthquakes naman ang naitala ng tanggapan.
“Ang Kanlaon Volcano is on Alert Level 1 since 2020, and kahapon ng 5 A. M. hanggang kaninang umaga ay nakapagtala lamang kami ng dalawang volcanic earthquakes.” —Dr. Bacolcol.| ulat ni Racquel Bayan