2 HVT hired killers at drug pushers, patay habang 7 arestado sa operasyon kontra iligal na droga ng PNP Jolo kagabi

Facebook
Twitter
LinkedIn

Patay ang dalawang high value target at kilalang hired killers at drug pushers habang nahuli naman ang 7 iba pang drug personality sa anti-illegal drugs buy-bust operation ng mga elemento ng Jolo Municipal Police Station.

Ito’y sa pangunguna ng Hepe nito na si PLtCol. Annidul Sali, katuwang ang 4th Regional Mobile Force Company ng Regional Mobile Force Battalion BaSulTa sa pakikipagtulungan sa Provincial Intelligence Unit ng Sulu Police Provincial Office at Philippine Drug Enforcement Agency sa Bangsamoro Autonomous Region sa Lady Ann Drive, barangay San Raymundo bandang alas 7:45 kagabi.

Kinilala ang mga naneutralisa na sina Julman Damming Hasanan alyas Julman, 37 anyos na lalaki, may asawa, walang trabaho at si Alnajer Damming Hasanan alyas Alnajer, 34 anyos na lalaki, may asawa at walang trabaho.

Habang, ang mga arestado naman ay sina Moises Abdulahab Saidul alyas Mos, 51 anyos, Parasat Aming Sangkula alyas Pal, 57 anyos,  Ibrahim Sarani Hasanan alyas Ibs, 30 anyos, Fadzramier Asanan Saidul alyas Fadz, 19 anyos, pawang nakatira sa Lady Ann Drive sa barangay San Raymundo, Alvin Asdali Bitung alyas Alvin, 40 anyos, residente ng Pugad Manaul, Panamao, Jayson Saddi Pereyra alyas Jay, 25 anyos  at si Alnaser Abdurasul Alamhali, alyas Lam, 38 anyos, parehong residente ng sitio Suwah-Suwah, barangay Anuling, Patikul.

Base sa paunang ulat ng Jolo MPS, napansin nina Julman at Alnajer na pulis ang ka-transaksyon nila na nagsilbi bilang poser buyer nang bigla na lamang pinaputukan ng mga ito ang operating officers.

Agad din namang nakaganti ang mga operatiba na nagresulta sa pagkamatay ng dalawa at pagkahuli sa pitong iba pa.

Nakumpiska mula sa mga ito ang 12 piraso ng maliliit na heat-sealed transparent plastic sachet na may laman ng hinihinalang shabu na may timbang na 2.000 na gramo at nagkakahalagang mahigit-kumulang P13,600.00.

Nakuha din ang dalawang piraso ng maliliit na heat-sealed transparent plastic sachet ng hinihinalang shabu bilang nabiling item na may timbang na 0.100 na gramo na nagkakahalagang P680.00, isang P500 paper bill bilang buy-bust money, limang piraso ng bukas na transparent plastic sachet na may laman ng tira-tirang shabu, cash money na P1,550.00, mga drug paraphernalia at iba pang ebidensiya.

Narekober naman sa crime scene investigation mula sa dalawang napatay ang isang unit ng cal.45 pistol na may tatlong bala, isang unit ng Cal.45 pistol  na may apat na bala, dalawang piraso ng medium packed transparent plastic sachet na may laman ng hinihinalang shabu na may timbang na 8.000 na gramo na nagkakahalagang P54,400.00, mga drug paraphernalia at iba pang ebidensiya.

Nahaharap ang naturang mga drug suspek na nakaditine ngayon sa Jolo MPS sa kasong paglabag sa R.A. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 na isasampa laban sa kanila.

Samantala, ang dalawang naneutralisa naman ay dead-on-arrival sa Sulu Provincial Hospital at itinurn-over sa kani-kanilang pamilya. | ulat ni Mira Sigaring | RP1 Jolo

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us