Nakatakdang ipagkaloob sa Rural Health Unit ng Jolo at Maimbung sa probinsya ng Sulu ang dalawang unit ng land ambulance na kumpleto na sa kagamitan.
Ito ay upang mas lalo pang mapabuti ang serbisyong medikal para sa mga mamamayan sa lalawigan ng Sulu.
Ang pondo nito ay nagmula sa Transitional Impact Development Fund ni Deputy Speaker Atty. Nabil Tan ng Bangsamoro Transition Authority sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Sa suporta ng Ministry of Health sa BARMM, nais ni Tan na matugunan ang mga pangangailangan ng mga residente upang matiyak na maayos ang kanilang kalusugan.
Matatandaan sa isang panayam kay MP Tan, kumikilos ang kanyang tanggapan upang makatulong na mapunan ang mga kakulangan sa mga gamit upang hindi na kailanganin pang lumuwas ng probinsya ang mamamayan sa Sulu upang magpagamot. | ulat ni Fatma Jinno | RP1 Jolo