Kinikilala ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang malaking potensyal ng pakikipagtulungan sa pribadong sektor sa pagsasakatuparan ng mga proyektong pang-imprastraktura.
Ayon kay Socioeconomic Planning Secretary Arsenio Balisacan, ipinag-utos ni Pangulong Marcos ang pagsusulong ng Public-Private Partnerships upang pondohan ang infrastructure flagship projects.
Bukod sa tagapagdala ng kaunlaran at innovation, malaking bagay aniya ang technical at managerial capacities ng pribadong sektor upang mapabuti ang mga serbisyo, mapababa ang consumer prices at mai-angat ang kalidad ng buhay ng mga Pilipino.
Kasama sa direktiba ng pangulo ang paggamit sa PPP para sa investments sa transport at road projects, property development, health, water and sanitation, ICT, solid waste management, energy at turismo.
Mula sa 194 approved infrastructure flagship projects, mahigit kalahati nito ang popondohan sa pamamagitan ng Official Development Assistance habang 30 percent sa PPPs.
Dagdag pa ni Balisacan, maikokonsidera sa pamumuhunan ng mga negosyante ang demographic dividend at ang 110 million na consumer base sa bansa. | ulat ni Hajji Kaamiño