Balik bansa na muli ang panibagong batch ng mga overseas Filipino Worker (OFW) mula sa bansang Kuwait.
Ito ay kasunod pa rin ng pagsuspinde ng Kuwaiti Government sa lahat ng working visa ng mga Pilipino na nagtatrabaho sa naturang bansa.
Kagabi, lumapag ang Oman Air flight WY843 sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 sakay ang may 34 na OFWs.
Agad silang inasikaso ng mga tauhan mula sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), kung saan binigyan sila ng pagkain at sinagot na ang transportasyon patungo sa kani-kanilang destinasyon.
Maliban dito, binigyan din ang mga umuwing OFW ng tulong pinansyal na bahagi ng mga hakbang ng pamahalaan para sa mga tinaguriang bagong bayani ng bansa. | ulat ni Jaymark Dagala
📸: OWWA