Tiniyak ngayon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na hindi pinapabayaan ang mga pamilyang nagsisipagtapos sa Pantawid sa Pamilyang Pilipino Program o 4Ps.
Ayon kay DSWD Asec. Romel Lopez, may maaasahan pa ring patuloy na serbisyo ang mga ito mula sa kanilang local government units (LGUs), kabilang ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno at pribadong sektor.
Paliwanag nito, ini-endorso ang mga exiting 4Ps sa kanilang mga lokal na pamahalaan kasama ang kanilang case folders upang maging gabay ng Local Social Welfare and Development Office sa mga programa at serbisyo na kakailanganin ng pamilya.
“At dahil sa mga exiting o graduating na sambahayan, ang mga higit na nangangailangan na sambahayan ay mabibigyan ng oportunidad na mapabilang sa 4Ps program at magkaroon din ng pagkakataong paunlarin ang kanilang pamumuhay,” paliwanag ni Asec. Lopez.
Alinsunod din aniya sa Kilos-Unlad case management strategy, ang mga graduating o exiting na sambahayan ay sumasailalim sa mga social preparation upang matiyak ang tuloy-tuloy na pag-unlad at hindi na sila muling magbalik sa pagiging mahirap.
Samantala, dahil sa mga natanggap na apela ng mga benepisyaryo ng 4Ps, sinabi ni Assitant Sec. Lopez na nagsasagawa na ang DSWD ng re-assessment upang maberipika ang estado ng mga benepisyaryo na napasama sa listahan ng mga hindi na kwalipikadong maging benepisyaryo ng programa. | ulat ni Mery Ann Bastasa