Matapos ang operasyon ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-9, Philippine National Police Special Action Force (PNP SAF) at 41st Infantry Batallion kahapon laban sa dating Vice Mayor ng bayan ng Maimbung, unti-unti nang humuhupa ngayon ang sitwasyon sa bayan bagama’t hindi pa rin napapasok ang barangay Bualoh kung saan pinaniniwalaang naroon pa rin ang target ng operatiba.
Sa kanilang impormasyon ani PCpt Naljir Asiri, OIC Chief ng Maimbung Municipal Police Station, apat mula sa kasamahan ng dating bise alkalde ang namatay kung saan ang isa ay nadala pa sa Maimbung Hospital na kinalaunan ay nakuha din ng kanilang pamilya, habang apat din ani pa Asiri ang pinaniniwalaang nasugatan.
Dagdag pa ng OIC Chief 12 mula sa panig ng PNP at AFP ang sugatan, isa naman ang namatay mula sa hanay ng PNP SAF.
Dalawa namang sibilyan ang nasugatan matapos maipit sa palitan ng putok sa pagitan ng dalawang kampo, ani Asiri, bago sinimulan ang operasyon ng kanilang counterpart inabisohan ang mga mamamayan na lumikas at umalis muna sa kanilang mga tahanan upang hindi madamay.
Sa ngayon, patuloy na binabantayan ng mga kinauukulan ang perimeter ng pinangyarihan ng insidente subalit hindi pa nila ito napapasok, kumpara kahapon hindi na kabigat ngayon ang seguridad na ipinapatupad sa ibang bahagi ng bayan. | ulat ni Eloiza Mohammad | RP1 Jolo