Iniulat ng National Disaster Risk Reduction and Management council (NDRRMC) na 628 na indibidwal sa Albay ang nasaktan sa patuloy na pag-aalburoto ng Bulkang Mayon.
Hindi binanggit sa huling situation report ngayong alas-8 ng umaga kung ito ay dahil sa pagkakalanghap ng usok o mula sa pagbuga ng volcanic debris.
Nilinaw naman ng NDRRMC na ang mga iniulat na nasaktan ay “for validation” pa.
Samantala, 10,146 na pamilya o 38,961 na indibidwal mula sa 26 na Barangay sa Region 5 ang apektado ng aktibidad ng bulkan.
Sa bilang na ito, 5,465 na pamilya o 18,892 na indibidwal ang nasa 28 evacuation center; habang 353 pamilya o 1,235 na indibidwal ang binibigyan ng tulong sa labas ng evacuation center.
Nananatili sa Alert Level 3 ang Bulkang Mayon na ang ibig sabihin ay may mataas na posibilidad na magkaroon ng “hazardous eruption” sa mga susunod na araw o linggo. | ulat ni Leo Sarne