Nagbigay pugay at nagpasalamat ang Armed Forces of the Philippines (AFP) kay dating Department of National Defense (DND) Officer in Charge Sr. Undersecretary Carlito Galvez Jr. sa kanyang naging “inspiring and dedicated leadership” sa kagawaran.
Kasabay ito ng malugod na pagtanggap sa pagkakatalaga kay Atty. Gilbert Teodoro bilang bagong kalihim ng DND.
Sa isang statement, tiniyak ni AFP Spokesperson Col. Medel Aguilar, na ibibigay ng AFP ang kanilang buong suporta sa bagong liderato ng “One Defense Team”.
Sinabi ni Col. Aguilar na tiwala ang Sandatahang lakas na ang “decisive leadership”, “professional competence”, at malawak na karanasan ni Sec. Teodoro, ay makakatulong para maisulong ang mga nakamit na ng AFP sa larangang pandepensa at panseguridad ng bansa.
Si Sec. Teodoro ay dati nang nagsilbing kalihim ng DND mula 2007 hanggang 2009, sa administrasyon ng dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo. | ulat ni Leo Sarne