Handa na ang kumpaniyang Air Asia para sa kanilang bagong terminal assignment sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2 mula sa dating NAIA Terminal 4.
Kasunod nito, inihayag ni Air Asia Chief Executive Officer Ricky Isla, maglalagay sila ng help desk sa NAIA Terminal 4 para maging gabay ng mga maliligaw na pasahero.
Bukas Hulyo 1, lilipat na sa Terminal 2 ang operasyon ng Air Asia bilang bahagi na rin ng Schedule & Terminal Assignment Rationalization (STAR) Program ng Manila International Airport Authority (MIAA).
Dahil dito, mula sa dating 11 check-in counters sa Terminal 4 ay magiging 20 na ito paglipat ng Air Asia sa Terminal 2 na tiyak na magbibigay ng mas mabilis at kumbinyenteng biyahe para sa mga pasahero.
Kasunod nito, sinabi rin ni Isla na posibleng aprubahan na rin ng MIAA ang paglilipat nila ng assignment para sa international flights, mula sa NAIA Terminal 3 patungong NAIA Terminal 1 bago matapos ang taong kasalukuyan. | ulat ni Jaymark Dagala