Pinawi ng DOST-PAGASA ang pangamba ng publiko sa bumababang lebel ng tubig sa Angat Dam.
Sa isang pulong balitaan, ipinaliwanag ni PAGASA Acting Administrator Dr. Esperanza Cayanan na nananatiling manageable pa ang lebel ng tubig sa dam.
Mas mataas pa rin aniya ito sa rule curve na pamantayan kung kakayanin pa ng dam na magsuplay ng tubig sa mga water concessionaire at irigasyon.
Ayon pa sa PAGASA, inaasahang madaragdagan pa naman ang tubig sa water reservoir sa pagsapit ng buwan ng Hulyo kung saan inaasahan ang pag-iral ng monsoon rains.
Batay rin aniya sa historical records, tumataas ang water level ng Angat Dam hangang Agosto kahit na may El Niño pa.
Dahil dito, hindi pa inirerekomenda ng PAGASA ang pagsasagawa ng cloud-seeding, dahil maaaring mas kailanganin aniya ito sa oras na wala nang inaasahang mga pag-ulan at kapag umabot na rin sa kritikal ang water elevation sa mga dams.
As of 6am ay aabot sa 185.52 meters ang lebel ng tubig sa Angat Dam. | ulat ni Merry Ann Bastasa