Patuloy pa ring natatapyasan ang lebel ng tubig sa Angat Dam.
Batay sa update ng PAGASA Hydrometeorology Division, kaninang alas-6 ng umaga ay bumaba pa sa 182.65 meters ang lebel ng tubig sa dam, malayo na sa normal high water level nitong 210 meters.
Higit dalawang metro na lang din ang agwat nito sa minimum operating level ng dam na 180 meters.
Kapag umabot na sa below 180 meters ang tubig, maaaring mabawasan ang alokasyon ng tubig para sa irigasyon o maging isinusuplay na tubig sa Metro Manila.
Ayon naman sa PAGASA Hydrometeorology Division, posibleng abutin pa ng dalawang linggo bago umabot sa minimum operating level ang water reservoir.
Umaasa rin ang PAGASA na makatulong ang mga pag-ulan ngayong Hulyo para madagdagan ang imbak ng tubig sa dam. | ulat ni Merry Ann Bastasa