Nasa 700,000 na ang backlog ng Land Transportation Office (LTO) sa mga drivers license hanggang ngayong Hunyo.
Sa naging pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, sinabi mismo ni Transportation Secretary Jaime Bautista na inabot na ng 690,000 ang backlog sa mga lisensya at tanging 70,000 ID cards lang ang available ngayon sa mga opisina ng LTO nationwide.
Ang mga available ID cards naman, inirereserba aniya ng ahensya sa Overseas Filipnio Workers (OFWs) dahil kailangan nila ito.
Pero ang tanong ng mga senador, paanong nauwi sa shortage ng mga license cards gayong bilyon-bilyong piso ang inilaan ng pamahalaan para dito.
Pinaliwanag naman ni Bautista na noong August 2022 pa sana pwedeng mag-procure ang LTO ng mga materyales para sa mga license cards.
Pero nito lang aniyang Marso naging handa ang LTO para sa pagbili ng ID cards.
Sinabi naman ni dating LTO chief Teofilo Guadiz na halos makumpleto na nila ang requirement noong nakaraang taon pero higit tatlong buwan lang siya sa pwesto at napalitan siya bilang pinuno ng ahensya.
Naiturn-over aniya niya sa pumalit sa kanya na si dating LTO chief Jose Arthur Tugade ang progress dito pero nitong Mayo ay nag-resign rin si Tugade at sinabi naman ni bagong LTO OIC Hector Villacorta na walang maayos na turn-over sa kanya. | ulat ni Nimfa Asuncion