Lumakas pa ang bagyong Chedeng habang kumikilos sa Philippine Sea.
Sa 5am weather bulletin ng PAGASA, huli itong namataan sa layong 1,060 kilometro silangan ng Southeastern Luzon, taglay ang lakas ng hanging aabot sa 75 kilometers per hour malapit sa gitna at pagbugsong 90kph.
Ito ay kumikilos pa-hilaga-hilagang kanluran sa bilis na 10kph.
Sa ngayon wala pa ring direktang epekto sa bansa ang bagyong Chedeng. Hanging Habagat pa rin ang nagpapaulan sa western portion ng bansa.
Maliit rin ang tyansa na magland-fall ito sa bansa.
Ayon naman sa PAGASA, inaasahang lalakas pa ang bagyong Chedeng bilang severe tropical storm o typhoon sa Huwebes.
Posible ring magtagal ito sa Philippine Area of Responsibility (PAR) hanggang sa susunod na Linggo. | ulat ni Merry Ann Bastasa