Inaasahan ng bansang India na mas maraming pang Pilipino ang mahihikayat na isama sa kanilang lifestyle ang Ayurveda na isang sinaunang sistema ng traditional medicine.
Ayon kay Indian Ambassador to the Philippines Shambu Kumaran, sinisikap nilang dalhin ang Ayurveda sa bansa. Sinabi rin ng embahador na kilala na sa Pilipinas ang Ayurveda ngunit lowkey ang practice nito at ginagawa sa isang unstructured na paraan.
Dagdag pa ni Kumaran, handang tumulong ang India na bumuo ng imprastraktura, magsulong ng talakayan kasama ang mga health authorites sa pagtatatag ng isang certification system para sa mga Ayurveda practitioners, at mag-export ng mga Ayurvedic products mula sa India.
Noong 2022, ang Pilipinas ang naging unang bansa sa Timog-silangang Asya na pumirma ng isang kasunduan at nagpasimula ng partnership sa Ayurveda at iba pang tradisyonal na sistema ng medisina.
Ang Ayurveda ay nagmula sa India higit sa 3,000 taon na ang nakakaraan at hinihikayat ang well-being sa pamamagitan ng holistic lifestyle intervention, na may paggamot na nakatuon sa angkop na diyeta, herbal remedies, pati na rin ang yoga, at meditation. | ulat ni Gab Humilde Villegas