Pinawi ng Unigrow PH ang pangamba ng mga suki sa Kadiwa na baka hanggang Biyernes na lang ang bentahan dito ng murang bigas.
Sa panayam ng RP1 kay Jimmy Vistar, Presidente ng Unigrow PH, tiniyak nitong tuloy-tuloy pa rin itong magsusuplay ng ₱25 kada kilo ng bigas sa Kadiwa store sa DA Central Office sa mga susunod na buwan.
Katunayan, batay sa kanilang hawak na surplus ay kakayanin pa nilang makapagbenta ng murang bigas sa Kadiwa hanggang sa buwan ng Agosto.
Batid naman aniya ng grupo na marami ang nag-aabang araw-araw sa kanilang ibinebentang bigas lalo na ng mga mahihirap na pamilya.
Kaugnay nito, nanawagan si Vistar sa publiko na huwag namang magtulakan at mag-away-away sa pagpila sa murang bigas dahil araw-araw pa rin naman silang available.
Patuloy rin itong humihirit sa DA at maging sa mga lokal na pamahalaan na tulungan ang mga magsasaka at subukan nang itaguyod ang biofertilizer para bumaba ang production cost ng mga magsasaka at tumaas ang kanilang ani. | ulat ni Merry Ann Bastasa