Batay sa pinakahuling talaan ng Albay Public Safety and Emergency Management Office (APSEMO), aabot na sa 12,000 mga evacuees o halos 4,000 pamilya mula sa paligid ng Bulkang Mayon ang nailikas na matapos ilagay ang bulkan sa Alert level 3.
Ito ang report mula sa 3 lungsod at 6 na bayan sa loob ng 6km permanent danger zone (PDZ).
Pinakamarami sa Malilipot na aabot sa 3,209 indibidwal o 900 pamilya, sinundan ng Camalig – 2,429 indibidwal o 716 na mag-anak, Daraga – 2,379 indibidwal o 615 pamilya, Guinobatan – 2,269 indibidwal o 835 pamilya, Tabaco City 1,252 indibidwal o 374 pamilya, Ligao City 218 indibidwal o 57 pamilya.
Samantala, wala pang naitatalang inilikas mula sa lungsod ng Legazpi at Bacacay.
Target ng APSEMO, na mailikas ang halos 30,000 katao sa paligid ng bundok na nasa loob ng 6km PDZ.
Tinatayang makukumpleto ang evacuation sa loob ng dalawang araw ayon kay Eugene Escobar Deputy Head ng APSEMO. | ulat ni Nancy Mediavillo | RP1 Albay