Hiling ni Camarines Sur Representative LRay Villafuerte sa Senado na ipasa na rin ang kanilang bersyon ng Magna Carta of Filipino Seafarers bilang pakikiisa sa Filipino Seafarers Day.
Ani Villafuerte, ito ang maisusukli nilang mga mambabatas sa sakripisyo ng mga Pilipinong mandaragat at kanilang ambag sa ekonomiya.
Ayon sa mambabatas, nasa 700,000 seafarers ang makikinabang sa naturang panukala na magbibigay ng proteksyon sa mga Pinoy seafarers at gagarantiya sa kanilang kapakanan at karapatan.
Punto pa ni Villafuerte, napapanahong maging ganap na batas ang panukala lalo at inaasahan na mas marami pang Pilipinong mandaragat ang posibleng i-hire matapos i-extend ng European Commission ang pagkilala sa seafarer’s certificates na ibinibigay ng Pilipinas.
“Our senators need to act on the pending Senate version of the approved Magna Carta in the House guaranteeing better labor protection for our sailors from the time of their training and recruitment up to their retirement from their jobs. This is the least that we lawmakers can do for our sailors who are among our OFWs (overseas Filipino workers) whose combined remittances have helped prop up our economy even during times of crises,” diin ni Villafuerte. | ulat ni Kathleen Jean Forbes