Nilinaw ng Bureau of Internal Revenue na may bisa pa rin ang lumang kulay yellow-orange na TIN Card at hindi nag-e-expire kahit pinalitan ng bagong kulay green na TIN Card.
Nagbigay ng kalinawan si BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr. dahil sa maraming tanong ng mga taxpayer tungkol sa bisa ng Taxpayer Identification Number (TIN) at Certificate of Registration (COR).
Sinabi ni Lumagui, hindi kailangang palitan ng taxpayer ang TIN nito dahil ang numero mismo ay pareho pa rin.
Tungkol naman sa bisa ng Certificate of Registration (COR) na naka-print sa lumang template na may kulay na yellow orange ay hindi rin mawawalan ang bisa.
Ang pagpapalit ng COR ay gagawin lamang kung may mga update o pagbabago sa impormasyong naka-imprenta sa mukha nito.
Ang electronic COR na nabuo ng Philippine Business Hub (PBH) at Online Registration and Update System (ORUS) na inimprinta ng mga tax payer ay may bisa at hindi nangangailangan ng lagda.
Dagdad pa ni Lumagui, na ang electronic COR ay mayroong QR Code na maaaring patunayan online kapag na-scan. | ulat ni Rey Ferrer