Hinimok ng Bureau of Internal Revenue ang taxpaying public na huwag tangkilikin at kumuha ng Taxpayer Identification Number (TIN) o TIN Card mula sa online sellers.
Kamakailan lang, nadiskubre ng BIR ang ilang “enterprising” individuals na nag-aalok ng “BIR TIN ID ASSISTANCE” sa pamamagitan ng Facebook, Shopee, Lazada at iba pang online selling platforms.
Ayon kay BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr. ang mga alok na TIN ID Assistance na naka-post sa online channels/selling platforms ay iligal at hindi otorisado ng kawanihan.
Pinarating na ng BIR Client Support Service sa mga kinatawan ng Shopee at Lazada ang iligal na aktibidad at pinatatanggal ang lahat ng advertisements at postings na nag-aalok ng TIN ID assistance.
Sabi pa ng kawanihan na maraming entrapment operations at pag-aresto na rin ang isinagawa ng BIR regional at district offices mula pa noong 2019 kaugnay sa iligal na aktibidad.
Ilan dito ay isinagawa sa Laoac, Pangasinan; Cebu City; Bukidnon; Gumaca, Quezon; Pila, Cabuyao at Sta. Rosa, Laguna; at Cordillera Administrative Region. | ulat ni Rey Ferrer