Masyado pang maaga para sabihing kalmado na ang Bulkang Taal.
Ito ang sinabi ni Science Research Specialist Eric Arconado ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) sa kabila ng downtrend o pagbaba ng aktibidad ng bulkan.
Paliwanag ni Arconado, itinuturing na complex volcano ang Bulkang Taal kaya’t complex din ang behavior nito.
Isang dahilan ito kaya pabago-bago ang seismicity o naitatalang pagyanig ng lupa dulot ng bulkan, at ibinubugang gas mula sa bunganga nito.
Sa ngayon ay nananatili sa Alert Level 1 o low-level unrest ang Bulkang Taal kaya’t ipinagbabawal pa rin ang pagpasok sa Taal Volcano Island, lalo na sa main crater at Daang Kastila fissures, pamamalagi sa lawa ng Taal, at pagpapalipad ng anumang aircraft malapit sa tuktok ng bulkan. | ulat ni Hazel Morada